/
“Ito po ang paraan namin para maiparamdam sa inyo ang aming tapat na serbisyo,” pahayag kahapon ni Bocaue Mayor Joni Villanueva sa mga mamamayan ng Barangay Lolomboy.
Lolomboy ang unang nayon kung saan bumaba si Mayor Joni kasama ang lahat ng Department Heads ng pamahalaang bayan para sa talakayan ng mga serbisyong kailangan ng barangay.

Simple lamang ang itinawag sa aktibidad na ito, “Barangay Engagement ni Mayor Joni.” Simple man, ito ay nagpapaalala sa mga sinaunang Town Hall meeting kung saan ang mga pinuno ay humaharap at nakikipag-ugnayan sa kanilang mga nasasakupan. Epektibong paraan ito upang marinig at aksyunan ng mga pinuno ang mga pangangailangan ng mga mamamayan.

Sa pangunguna ng Department Heads, naipaliwanag sa mga taga-Lolomboy ang mga serbisyo at programa na hatid sa kanila ng pamahalaang bayan. Kasama na dito ang mga tulong na ukol sa kalusugan, nutrisyon, malinis at maayos na kapaligiran, maayos na plano para sa trapik, at disaster response.

Ikinatuwa ng mga taga-Lolomboy ang pagdadala ng munisipyo ng employers para sa on-site interviews ng mga naghahanap ng trabaho. Tatlumpu ang nagrehistro sa Public Employment Service Office (PESO) na job seekers. Lahat sila ay sumailalim sa on-site interviews at halos lahat ay nagkaroon ng trabaho bago pa man matapos ang “Barangay Engagement ni Mayor Joni.”

Nagkaroon din ng on-site registration para sa PhilHealth.
“Malaki ang katuwaan ko sa nangyaring Barangay Engagement na ito dahil kitang-kita namin na ibinababa ni Mayor Joni ang sarili niya para sa aming mga kababayan,” sabi ni Kapitana Irene Dela Cruz.
“Umaasa kami na matutugunan ang mga idinulog ngayong araw kay Mayor Joni. Nakasuporta ako sa kanya dahil kitang-kita naman na maayos ang kanyang pamumuno,” dagdag pa ni Kap Irene.

Inanyayahan ng pamahalaang bayan ang mga taga-Lolomboy na pumunta sa mga sumusunod na iskedyul ng programa ng munisipyo:
Ongoing: Pagsasaayos ng late registration ng official documents sa Local Civil Registry.
Marso 6: Pagtuturok ng anti-rabies sa mga aso.
Marso 30: Tubal Ligation para sa mga ina na may apat o higit pang anak.
Hinikayat din ni Mayor Joni ang mga dumalo sa Barangay Engagement na huwag mag-atubili na ipaabot sa kanyang tanggapan ang mga reklamo laban sa mga kawani ng pamahalaang bayan na umaabuso o kaya naman ay nagkukulang sa maayos na pagbibigay-serbisyo.
“Dapat po ay tapat at tama lagi ang serbisyong para sa mga Bocaueno,” pahayag ni Mayor Joni.