
Kasabay ng pag-alala sa kadakilaan ng ating pambansang bayaning si Gat. Jose Rizal, pinangunahan rin ngayong araw ni Bocaue Mayor Joni Villanueva ang pagkilala sa 273 Bocaueño na nagpamalas ng kanilang galing at malasakit para sa bayan. Idinaos ang pagdiriwang ng Rizal Day at "Gawad Galing Bocaueno" sa Bocaue Municipal Covered Court.
"Hindi tayo magiging bayani sa pagtawag lang natin sa mga sarili natin na mga bayani," sabi ng panauhing pandangal na si Gladys Cruz-Sta. Rita, pangulo ng National Power Corporation. "Ang kadakilaan ay nasa katapatan, at ang kadalisayan lang ang magsasabi ng ating kadakilaan."
Ang Gawad Galing Bocaueño ay isang pagpaparangal na iginagawad sa mga mamamayan mula sa iba't ibang sektor: mapabata man o matanda, mapaestudyante o manggagawa. Sa kabuuan ay nasa tig-16 na parangal ang iginawad para sa 18 barangay ng Bocaue.
Bawat barangay ay nagnomina ng kanilang mga mamamayan para sa mga parangal, kung saan "puso" ang naging pangunahing batayan ng mga barangay sa kanilang pagpili.
Maliban sa puso, ang paglahok ng mga mamamayang ito sa gawaing pangkomunidad, ang kanilang moralidad, integridad na "hindi lamang sa kanilang personal na buhay kundi maging sa propesyunal na buhay," at pagkakaroon ng "significant contribution" na naibigay sa bayan ang mga naging batayan upang sila ay gawaran ng mga naturang parangal.
Narito ang mga parangal na iginawad sa mga dakilang Bocaueño sa pangunguna ni Mayor Joni:
Dakilang:
- Doktor
- Solo parent
- Magsasaka
- PWD
- Abogado
- Mga magulang
- Organisasyon
- Educator
- Kabataan
- Public servant (2)
- Entrepreneur
- Lola
- Lolo
- Estudyante
- Manggagawa
Maliban sa 16 na nabanggit, may parangal ding iginawad sa apat pang indibidwal na may natatanging kontribusyon sa bayan. Ito ay ang Gat. Jose Rizal Award na ibinigay sa namayapang Dr. Ismael Yanga Sr., Gawad Siglo Award para sa 100-taong gulang na si Alejandra "Dading" de Vera, at Outstanding Veteran Award para kina Andres Galvez at Guying Silvestre na parehong sundalo noong ikalawang digmaang pandaigdig.
"Kung may aral na naiiwan si Dr. Jose Rizal sa taun-taong paggunita natin sa kanyang kamatayan at dakilang buhay, iyan ay ang simpleng mamamayang tulad natin (ay may kakayahan) upang maging buhay na bayani sa sarili nating panahon," sabi ni Cruz-Sta Rita.
