Isinulat sa Tubig

ni Celine Isabelle B. Samson

Ang sabi nila, walang kwentang magsulat sa tubig dahil mabubura rin naman ito. Ngunit para sa ilog ng bayan ng Bocaue, ang tubig ay tila ba isang libro ng kasaysayan.

Sakop ang siyam na barangay, doon sa Ilog ng Bocaue nakaangkla ang pinakamalaking pista ng bayan. Isa rin itong entrada para sa mga mangingisdang nagkakalakal ng kanilang mga huli mula sa iba’t ibang parte ng Bulacan.

Nagsisimula ang ilog sa Barangay Taal, kung saan ang tubig ay tila kulay ng lupa mula sa mga bundok, at nagtatapos sa Barangay Bambang, kung saan ang tubig ay nagiging matingkad na berde dahil sa mga nakapaligid na sasa - isang halamang mukhang kumpol ng mga dahon ng niyog, na minsa’y ginagawang alak o suka. Sa Bambang din ang parte ng ilog na pinagmulan ng karamihan sa mga istoryang nagtatahi sa buhay at bayan ng Bocaue.

Sabi ng mga lokal, nasa 200 taon na ang nakalipas mula nang may matagpuang krus sa wawa ng ilog sa Bambang. Isang kakaiba at malahimalang pangyayari, pinaniwalaang ang krus ay pinagpala; kopya ng krus kung saan namatay si Hesu Kristo. Ang balita ng lumulutang na krus sa tubig at ang paniniwalang nailigtas raw nito ang isang ale mula sa pagkalunod ang dahilan kung bakit maraming mga deboto ng Krus sa Wawa. Simula noon, naging isang tradisyon na ang pagdiriwang ng pagkakakita sa mapaghimalang krus na ito. Taunan itong inaalala sa pamamagitan ng Pista ng Krus ng Wawa.

Tuwing unang Linggo ng Hulyo, maraming gawain ang naka-abang sa pagdiriwang ng pista: may misa ng pagdiriwang, pagpapalaot ng pagoda mula sa tulay ng Bocaue sa Barangay Binang 2nd hanggang sa Bambang at maging mga prusisyon, parada, at nobena. Sa mga pagoda karaniwang nakatuon ang pansin ng media, pati ng mga taga-ibang bayan at probinsya, sapagkat ang mga pagoda ang nagpapamalas ng pagkamalikhain ng mga Bocaueno.

Nagsimula ang masayang pagdiriwang ng pista mula pa noong 1900s, ngunit natigil ito noong 1993. Ang taon na iyon ang nagmarka ng isa muling kabanata sa kasaysayan ng bayan na nakatali sa Ilog ng Bocaue. Sa gabi ng Hulyo 2, 1993, dahil sa dami ng taong umangkas sa pagoda, hindi nito kinaya ang bigat na dala.

Tumalon raw ang mga tao mula sa pagoda na nagdulot ng kawalan ng balanse at nagpadali ng paglubog ng pagoda. Sa pagkakataong ito naipamalas ng isang bata ang pagkabayani niya. Iniligtas ni Sajid Bulig, labindalawang taong gulang, ang apat na bata mula sa pagkakalunod bago kunin ng ilog ang kaniyang buhay.

Matagal na panahon ang lumipas bago naibalik ang dating saya sa pagdiriwang ng pista ng Krus sa Wawa, at pati na rin ang tradisyon ng pagpapalaot ng pagoda.

Noong 2013 lamang muli nagsimulang magpakita ang saya ng pagpipista tulad noong saya na nakikita sa mga tao bago mangyari ang trahedya ng 1993. Dalawampung taon ang nakalipas mula sa malagim na pangyayari, nagsimula na ulit ang bayan na lumikha ng mas malalaki at mas engrandeng mga pagoda, na ngayon ay ginagamitan na ng modernong makinarya.

Mas maingat na rin ngayon, ang mga pagoda nitong mga nakaraang taon ay hindi lalampas sa 15 talampakan, malayung-malayo sa mga pagoda dati na ang laki ay umaabot ng apat na palapag ng isang gusali.

Maliban sa pista, marami ring matatagpuang mga hayop at halaman sa paligid ng Ilog ng Bocaue. Mula sa Bambang, kung saan ang lawak ng ilog ay umaabot ng 150 metro - o dalawampung bahay na magkakatabi - hile-hilera ang mga sasa, bakawan at tubo sa wawa. Nasa may 100 metro ng kangkong ang sasalubong sa sinumang papunta sa “visita” na nagmamarka ng lugar kung saan natagpuan ang mapaghimalang krus.

Papuntang hilaga, ilang metro ang layo mula sa “visita” ay ang bahagi ng ilog na tinatawag ng mga nakatira doon na Latian. Mula ito sa Tagalog na salitang luntian. Mula sa hilagang parte ng Bambang hanggang sa karatig na barangay ng Antipona makikita ang luntiang mga tanawin.

Ayon sa dating kapitan ng Bambang na si Ronulfo Alcanar, mahigit na 500 na palaisdaan ang matatagpuan sa Latian. Dito nakapangingisda ang mga Bocaueno ng tilapia, bangus, hipon at sugpo.

Isang malawak na lugar kung saan karamihan lamang ng makikita ay katubigan, mga halaman at ang langit, maaari rin daw makita sa bahaging iyon ng ilog tuwing lulubog ang araw ang krus sa tuktok ng Mt. Samat sa Bataan.

Sa bandang hilaga pa, sa lugar na maraming bahayan, maaari mong makita ang istatwa ni Sajid Bulig na tila ba nagbabantay ng Ilog ng Bocaue at ang mga moog ng Koreanong simbahan ni Kim Tae-gon sa Barangay Lolomboy. Ang tubig rito ay payapa at tahimik, na paminsan-minsa’y nabubulabog ng makinarya ng bangka ng mga mangingisda o makinarya ng trash boat ng munisipyo.

Kung magsasawa ka nang tumingin sa mga gusali na nakapaligid sa parte na ito ng ilog, hindi mahirap na makakita ng iba’t ibang klaseng mga ibon. Ayon kay Alcanar at Bocauenong si Jose Alcoriza, puno ang ilog ng iba’t ibang uri ng mga ibon: mula sa mga puting heron at kingfisher, mga maya at mga pipit, pati na rin mga bato-bato at alangaray.

Matapos ang Lolomboy ay ang mga barangay ng Binang 1st at Binang 2nd, na kinaluluklukan ng Pamilihang Bayan ng Bocaue. Naririto ang fish port na pinagtitipun-tipunan ng mga mangingisda mula Bocaue, Hagonoy at Calumpit upang magkalakal ng kanilang mga huli.

Lagpas ng Barangay Taal at Turo, makararating ka naman sa Barangay Tambubong. Sa lahat ng barangay, doon lamang sa Tambubong may matatagpuang shortcut papuntang Barangay Turo na may sakop sa Bocaue Tollgate, daanan ng mga sasakyang paluwas ng Maynila o papuntang Pampanga. Limang piso at ilang minuto lamang ang kakailanganin upang tawirin ang ilog sa pamamagitan ng pagsasagwan, na kung sa lupa dadaan ay maaaring umabot ng 30 hanggang 40 minuto.

Mas kilala man ang Bocaue para sa ibang bagay, tulad ng pagiging kabisera ng Pilipinas ng mga paputok, hindi maikakaila ang gandang nakapanghahalina ng Ilog ng Bocaue. Ang yaman ng kasaysayan ng bayan na makikitang nakasulat sa tubig nito, ang pagkamasayahin ng mga tao at ang mga yamang-tubig at yamang lupa ng Bocaue ay tamang-tama para mabuo ang isang “RiverTown Wonder.”