
Hulyo 16, 2018 – Isa itong mahalagang araw sa kasaysayan ng Bocaue. Ito ang nagbigay-hudyat sa katuparan ng pangarap ng mga Bocaueño para sa sarili nilang pampublikong ospital.
“Kung ang buhay nga po namin ay handa naming ibigay para sa Bocaue, ito pa ba namang pangarap nating ospital?”, sabi ni Mayor Joni sa ginanap na groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng pagamutan. Madamdamin ang naging pahayag ni Mayor Joni, lalo pa nga at marami siyang nilabanan na pamumulitika para lamang matuloy ang serbisyong ito para sa Bocaue.
Kasama ni Mayor Joni sa groundbreaking ceremony si Sen. Joel Villanueva, ang nanguna na paghanap ng pondo mula sa pambansang pamahaalan para makapagpatayo ng ospital sa Bocaue.
“Nakakatayo po ng balahibo ang makasaysayang araw na ito. Pangarap lamang natin ito dati, ngayon ay sisimulan na ang pagawain para maitayo ang ating ospital,” sabi ng senador na ipinagmamalaki ring anak ng Bocaue.
Dumalo rin sa programaang mga kinatawan ng pambansang pamahalaan sa pangunguna ng Department of Health (DOH).
Matatandaan na sa kabila ng malakas na suporta ng mga Bocaueño sa proyektong ito, muntik pa itong hindi matuloy dahil sa mga teknikalidad na ibinabato dito. Matahimik na nagtrabaho si Mayor Joni para hindi mahadlangan ng mga teknikalidad ang pagtatayo ng ospital na hindi gagastusan ng lokal na pamahalaan ng Bocaue dahil ang lahat ng pondo para dito ay ibibigay ng DOH.
Kung ang buhay nga po namin ay handa naming ibigay para sa Bocaue, itopaba namang pangarap nating ospital?
Ang lupa na pagtatayuan ng ospital ay donasyon na rin mismo ng pamilya Villanueva, na purong- purong Bocaueño rin.
“Wish Ko Lang”
Isa si Ma. Elena Sereno, 36, ng Brgy. Batia sa mga nagpapasalamat kay Mayor Joni sa pagkakaroon ng sariling pampublikong ospital ng Bocaue.
Bilang isang ina, masakit ang kanyang mga naranasan nang wala silang sapat na pera para maipagamot ang kanyang anak. Kapansin-pansin na ang bukol sa ilong ni Troy nang isilang siya ni Elena. Dalawang buwan ang bata ng dalahin niya ito sa health center para matingnan ng doktor kung ano ang maaaring problema sa kalusugan ng anak. Pero may medical tests na sinabi ang doktor. Pinababalik sila kapag nagawa na ang tests. Dahil walang pera para sa tests, hindi na sila muling nakabalik.
Kasabay ng paglaki ng bata ay ang paglaki rin ng bukol niya. Anim na taon na si Troy nang makapunta siya sa ospital sa lalawigan.
Wala pa rin silang pera. Pero lahat ng gastos sa check up ay sinagot ni Mayor Joni.
“Nakita po ni Mayor Joni ang bata sa school bag distribution niya sa amin sa Batia noong isang taon. Nagulat ako dahil hindi pa naman tapos ang klase ay umuwi na si Troy. Umuwi lang pala siya para ibalita sa akin na sinabi daw ni Mayor Joni sa kanya na ipagagamot siya. Naawa ako sa anak ko kaya sinabi kong huwag maniwala dahil madami na ang nagsabi sa kanyang tutulungan siya, pero wala namang dumating na tulong. Ayaw kong umasa at masaktan ang bata,” kwento ni Elena.
Kung noon pa man ay may ospital tayo, wala sigurong gaya ni Troy na aabutin ng anim na taon bago makapagpa- CT scan...
“Pero dumating ang sasakyan ni Ate Joni,” agad na sabi naman ni Troy. Kinabukasan din ay ipinahanap pala ni Mayor Joni ang bata sa health worker na si Thelma Rubio. Ang paunang gastusin sa check up ay personal na sinagot ni Mayor Joni. Ipinaalam din ni Thelma sa magulang ni Troy ang mga proseso para mabigyan sila ng medical assistance mula sa lokal na pamahalaan.
“Kung noon pa man ay may ospital na tayo, wala sigurong gaya ni Troy na aabutin ng anim na taon bago makapagpa-CT scan,” sabi ni Mayor Joni. Isa ang CT scan sa mga serbisyong maibibigay ng itatayong ospital.
Sa kasalukuyan ay naghahanda na si Troy para sa kanyang operasyon. Dahil itinatayo pa lamang ang ospital ng Bocaue, sa Quezon City itinakda ang kanyang operasyon . Sabi ni Elena, “Akala ko dati, sa programang “Wish Ko Lang” nangyayari ito. May pulitiko pala na gaya ni Mayor Joni na talagang tumutulong sa nangangailangan. Sa dami ng nagsabing tutulong sa anak ko, siya lang ang totoong may ginawa.”
Tuloy-tuloy ang agos ng luha ni Erma Velasco, 44, ng Bgry. Lolomboy habang naghahayag siya ng pasasalamat para kay Mayor Joni. “Salamat kay Mayor Joni at magkakaroon na kami ng ospital,” sabi ni Erma.Matagal nang may goiter si Erma subalit hinahayaan niya lamang iyon. Sabi daw ng doktor sa kanya, wala naman siyang kailangang inumin na gamot. Operasyon daw ang kailangan. Nang marinig niya iyon, nawalan na siya ng pag-asa. Dahil na rin sa kawalan ng pera, hindi na siya muling bumalik sa ospital.

Pero sabi nga ni Erma, tila may ibang plano ang Diyos sa kanya. Hindi niya inaasahang makikita siya ni Mayor Joni habang ipinagbubuntis pa lamang niya ang kanyang bunsong anak. Sabi daw ni Mayor Joni, kailangan siyang maipagamot para sa kanyang mga anak. Kinalimutan ni Erma ang sinabi ni Mayor Joni, lalo pa nga at alam niyang ang kanyang pamilya ay hindi naman sumuporta sa kanya noong nakaraang halalan. Kaya laking gulat niya nang isang araw ay dumating sa kanilang tahanan si Thelma upang isaayos ang schedule ng kanyang pagpapa-check up.
“Pantay-pantay pala ang tingin ni Mayor sa mga tunay na nangangailangan,” sabi ni Erma habang patuloy na umiiyak. “Hindi ko akalain na tototohanin niya ang sinabi niyang tutulungan niya akong magpagamot,” dagdag pa niya.
Dahil wala pang ospital sa Bocaue, sa provincial hospital pa siya dinadala nina Thelma. At dahil bagong panganak siya at malayo din naman ang ospital, kailangang maglaan talaga ng iskedyul para sa check up. Salamat na lamang daw at malapit nang magkaroon ng sariling pampublikong pagamutan ang Bocaue.


“Hindi naman sa ipinagdadasal kong maraming magkasakit. Pero realidad ng buhay na dumadating talaga ang sakit. Gaya ko. Kung hindi ako tinulungan ni Mayor Joni, paano na? Kaya maraming salamat muli sa kanya atmagkakaroon na tayo ng sarili nating ospital,” pahayag ni Erma.
Legasiya
“Ina rin ako kaya damang-dama ko ang hirap sa kalooban na makitang may sakit ang aking mga anak. Totoo namang kaya nating pumunta ng Metro Manila o ibang bansa para magpagamot. Pero paano na ang ating mga kababayan na walang-walang pambayad kahit pamasahe man lang patungong pampublikong ospital sa mga karatig-bayan? Para sa kanila ang ospital na ito. Ito ang legasiya ng ating pamamahala para sa mga Bocaueño, ” ayon kay Mayor Joni.
